Posas o gutom?

109

“Aarestuhin kung sinong hindi sumunod sa guidelines… Ano gagawin namin? mag-dialogue?”, wika ni NCRPO chief Debold Sinas sa isang press briefing noong ika-13 ng Marso.

Nang ipinatupad ang lockdown, maraming mga kaso at report ang naitala ukol sa pag-aresto at pagpaparusa sa mga lumalabag sa curfew at stay-at-home policy. Sa simula pa lamang, makikita na ang mga checkpoint ay puno ng mga armadong pulis, kasabay ng mga taong nakaposas at nakabilad sa  araw.

Alam ng lahat na ang mga preso’t kulungan ng bansa ay puno at pilit na nagsisiksikan ang mga tao dito. Ika nga, isa itong ticking time bomb, kung saan hinihintay na lamang ang pag-atake ng COVID-19. Mula sa mga masisikip na tulugan hanggang sa kawalan ng maaayos na hugasan, tiyak na magiging mabilis ang pagkalat ng sakit, at libo-libong Pilipino na naman ang magdurusa’t maghihirap. Kaya bakit patuloy ang pagpapakulong sa mga taong nais lamang maghanap ng makakain?

Hindi maitatanggi na kailangan ng disiplina, ngunit sana isaisip ng lahat na ang buhay ng ilan sa mga arestado ay nasa panganib dahil sa gutom at hirap, at wala nang ibang pwedeng gawin kung hindi ang maghanap ng ayuda sa labas. Hindi tigas ng ulo ang rason kung bakit sila lumalabag sa patakaran. Marami ang kabilang sa “No Work, No Pay” scheme, at mayroon ding mga nawalan ng trabaho, kaya’t ngayon ay nangangapa para lang patahimikin ang mga kumakalam na sikmura. Higit pa dito, may mga naninirahan sa lansangan, kaya ang lockdown ay singkahulugahan ng pagkawala ng mga tirahan at sa iisang bagay na bumubuhay sa kanila.

Oo, may pondong nakalaan para mabigyan ng ayuda ang mga mamamayan. Ngunit, hindi nasisigurado na ito’y umaabot sa bawat sulok ng bansa. Hindi sapat ang kakaunting de lata at cup noodles na madalas na ibinibigay. Mahalaga din ang gamot, bitamina, at pera para matustusan ang mga bayarin ng bawat pamilya.

Ayuda ang sigaw ng taumbayan, hindi bala, hindi pagpapakulong, hindi gulo. Sa halip  na pagmamalasakit at pag-unawa, pwersahan at pananakot ang pinaiiral upang sumunod sa batas.

Wala na bang ibang solusyon? Pag-aaresto na lang ba ang tugon sa pangkalusugang krisis na ito? Sana’y tandaan na walang lalabas kung lahat ay may pagkain, pera, at kasiguraduhang masusustentuhan sila sa susunod na buwan. Sa ganitong sitwasyon, dapat walang sinuman ang magtatanong sa sarili kung “posas ba o gutom?”

Ang pamahalaan ay nariyan hindi para manakot o manakip, kundi para paglingkuran, tulungan, at magsilbing gabay sa mga Pilipino.